Sunday, December 2, 2007
Bakit Nawala Kang Parag Bula?
Daddy,
Alam mo ba na pagmulat ko ng mata ngayong araw na ito, napaisip ako, alam nyo kaya na bente uno anyos na ako? Napaiyak ako sa katotohanang ngayon ko lang napagtanto, wala ka sa mga panahong kailangan ka naming mag-iina. Hindi lang hikbi ang nailabas ko, malakas na hagulgol ang inabot ko sa sakit na naramdaman ko, yun bang pakiramdam na apihan ka sa lahat ng bagay at lahat sa buhay mo ay kulang.
Nung lumalaki ako, sabi ko sa sarili ko na ayos lang na wala kayo kasi andiyan naman si Mommy, OK lang kasi kaya naman ni Mommy at isa pa hindi ka naman niya binabanggit o sinisiraan man lang ni Mommy kaya't parang hindi ka namin kailangan, pero habang tumatagal, habang lumalaki ako't nagkakaisip, sa tuwing pinapagalitan ako ni Mommy lagi niyang sinasabi na pareho tayo, magkamukha tayo at pareho tayo iresponsableng tao! Alam nyo po ba kung gaano kasakit yun para saakin? humaharap ako sa salamin, sinasabi ko na sana di nalang kita naging kamukha, may isang minsan din na sinabi ko na sana di nalang ikaw ang naging tatay ko, pero totoo pala na talagang pareho tayo kasi iniwan ko din sila, inabandona ko sila, hindi ako nag-isip tulad mo, di ko inisip na masasaktan sila sa gagawin ko, inisip ko ang sarili ko, ang ikatutuwa ko.
Ngayon, pinagsisisihan ko na ang ginawa ko, humingi ako ng tawad kay Mommy at sa dalawa kong kapatid, araw araw ako humihingi ng tawad kasi alam ko na kulang pa iyon. Ngayon iniisip ko, ikaw po kaya? Nagsisisi ka kaya sa ginawa nyo saamin?
Ilang dekada na ang nakalipas mula ng kami'y iyong iwan, mulat na ang mga tao sa katotohanang wala kayo saamin at inaasahan nila mauunawaan na namin ang mga bagay na ito, pero minsan hindi din madaling tanggapin itong nangyayari saamin.Nung minsan nag uusap kami ng bunso kong kapatid tungkol saiyo nung una'y tawanan pa kami kasi iniisip namin ano kaya ang ikinabunga nanim kung nasa tabi ka namin, pero habang lumalalim ang usapan, ako'y napaluha sa nakita ko sa kapatid ko, magkahalong galit at lungkot na sinabayan ng luha. Umiiyak kami hindi lang dahil naghihirap kami o nagkukulang sa mga materyal na bagay sa mundo, Umiiyak kami dahil sa wala ka sa mga panahong lumalaki kami't nagkakaisip, hinanakit at hinagpis, yun lang ang kaya naming gawin. Umiiyak kami kasi sa tuwing kami'y nangangailangan, para kaming pulubi na lumalapit sa mga kamag-anak para humingi ng tulong, dumarating pa sa punto na umiiwas na ang iibang kamag anak namin sa pa aakalang hihingi nanaman kami ng tulong. Siguro ikaw di mo naranasan ang hirap sa kalooban kasi po siguro manhid kayo. Wala po akong karapatan na husgahan kayo, Ang akin lang po ay gusto ko pong malaman kung bakit nawala kayo na parang bula.
Ang iyong naging anak,
Czarina Leon
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment